Huwebes, Hulyo 31, 2008

MBoys09 must-read: "Kalbaryo ng isang ina" ni Josie Lantin

Humingi ako ng pahintulot mula kay Ginang Lantin upang ilabas ang kanyang akdang inihanda para sa kaarawan ng kanyang anak na si AJ. Una kong inilagay ang aking pagpapaalam sa pagkalat ng kanyang isinulat. Sumusunod kaagad dito ang buong teksto mula sa Facebook.


Ma'am Josie, nagpapaalam po ako na ipabasa ito sa MBoys upang makatulong sa pananalangin para sa kanya. Hindi ko na siya naabutan sa klase dahil nakalipad na kayo nang naging klase ko sila, pero alam kong hindi nila nanaising mawalan pa ulit ng isang kaibigan at kaklase. Naiiyak ako ngayon kahit nasa Starbucks ako... kahit ako, naaalala ko ang mga pinagdaanan namin ng klaseng iyan. Salamat po, Ma'am. Magdarasal po kami nang husto.


Kalbaryo ng isang ina
ni Josie Lantin

Ito na ata ang pinakamasaya at pinakamalungkot kong araw.

Masaya dahil gulat na gulat ang mga doktor sa bilis ng paggaling ng anak ko mula sa stroke. Naigagalaw na ang mga kamay at nakalalakad na kahit paika-ika. Negative na ang sputum niya kaya hindi na siya ikinukulong sa kwarto. Malaya na siyang makapalibot sa ospital. Sa katunayan, inaayos na ang PASS niya ngayon (para makalabas pansamantala sa ospital ng ilang oras lamang) papunta sa bahay ng kapatid ko para makasama ang PAROKYA para sa isang hapunan..inaayos na rin ang PASS bukas bilang regalo ng ospital sa kanyang kaarawan - makapupunta siya kung saan niya nais..para makalanghap siya ng sariwang hangin at makalimutan ang kinakaharap na sakit..

Ngunit agad itong napalitan ng lungkot. July 30 ngayon sa Pinas - bday niya. Ewan ko kung natuwa siyang mapapayagan na siyang makalabas pansamantala kahit ilang oras lang sa ospital..o napagod sa physiotherapy niya..lumakas ang pintig ng puso niya..Papunta na kami sa isa pang test - sa puso (para i-rule out na may sakit siya sa puso) nang mahilo siya..tapos nakakakita na siya ng white flashes..nakita ko na ang mga mata niyang nagiging blangko..sabi niya sa akin..nauulit ang atake niya..pinahiga namin..tumawag ng nurse..sabi niya: I SEE MY FRIENDS..Parang pelikulang nakita niya lahat ng mga kaibigan niya..parang nag-flashback lahat ng eksena ng buhay niya..mabibilis..tinakpan niya ang mata niya..pinaglabanan niya..sabi niya sa akin I WANT TO GO TO MY FRIENDS..sabi ko "labanan mo.."

Nang biglang nanginig na ang ulo niya papuntang kanan..nangisay..nakita kong parang lumiliit ang katawan ng anak ko..nakamulat siya pero nakatingin sa kawalan..tuluy-tuloy ang galaw ng ulo pakanan..Hinawakan ko ang pisngi niya at binulungan..LABANAN MO! HUWAG KANG SASAMA SA MGA NAKIKITA MO..

Sumigaw ang nurse..sa isang iglap LAHAT NG DOKTOR, LAHAT NG NURSE, LAHAT NG HEALTH CARE AIDE nasa kwarto na ni AJ..Nagkagulo..Pinasakan siya ng kung anu-ano..Kinabitan siya ng kung anu-ano..parang pelikula, nakikita ko ang tumutunog na mga aparatong ikinabit sa kanya..ginigising siya..pinagbabawalang mawalan ng ulirat..naninigas ang anak ko..umuungol..

Nanginig ako..tumulo ang luha ko..di makasalita..pigil ang hininga..ang kinakatakutan kong tunog ng mga aparato'y nagmistulang musika sa aking pandinig..musikang ayaw kong maputol..ayaw kong tumigil..

Ang tagal..lahat nagkakagulo..inilabas ako ng kwarto..pinaupo..pinainom..pinaalalayan..pinamatyagan na baka mapaanak nang di oras..

Humahagulgol akong tumawag sa asawa ko..nginig ang tinig na nagsusumamong pumarito siya sa ospital. Basag ang boses ng asawa kong hindi alam ang gagawin kung papaano makalilipad agad sa tabi ni AJ..

Ang tagal ng panahon ng pagpapakalma nila kay AJ..tinawag nila akong muli upang maipakitang nasukob na ng kapayapaan ang katawan ng anak ko..tinanong siya ng doktor.."ALEXANDER, WHAT'S SPECIAL TOMORROW?" Sagot ng anak ko - "It's my bday!" Ngumiti silang lahat..normal na ang lahat..

Hiniling ng anak kong wag akong makita upang di siya umiyak..sa hirap ng dinaranas niya..nasabi niya sa doktor - "AM I GOING TO DIE? AM I GOING TO DIE NOW? HOLD ME. DON'T LET ME DIE!"

Bumalisbis ang luha ko..anak ko yun...panganay ko..mabait na bata..walang bisyo at masayahing tao..hindi siya karapat-dapat maghirap nang todo..

Itinakbo siya sa CT scan..SEIZURE ang nangyari..dahil marahil sa sugat ng utak..

Matapos ang ilang minuto - balik sa normal ang lahat..tapos na naman ang isang araw..madaming babala ang doktor..mga porsyentong ayaw ko na sanang pakinggan o paniwalaan pero kailangang namnamin bilang paghahanda sa kinabukasan.

30-40% hindi na maibabalik ang dating sigla.
1-2 taong gamutan sa seizure.
Seizure na baka kasama sa pagtanda o habambuhay.
Pagsilip sa arteries baka may namumuo pang panganib ng atake ng stroke
Pagsilip sa puso kung may abnormalidad
Pagmamatyag sa dugo kung may kakulangan o pagkalapot

Tapos na ang isang araw..Bukas bday niya ulit. July 30 sa Canada. Isang pakikibakang muli..

Nawa'y maakay kami ng inyong panalangin..salamat..

Josie

(12:25 ng umaga; 30 Hulyo 2008)

13 komento:

  1. OMG! AJ laging nandito ang mga kaigbigan mo! :D

    TumugonBurahin
  2. oh my. M'09 family will always remember AJ L. in our prayers.

    TumugonBurahin
  3. prayers will and certainly be said.

    TumugonBurahin
  4. jonhel saidI WANT TO GO TO MY FRIENDSSeems to me he knows, Ian.

    TumugonBurahin
  5. A little off-topic: please also pray for Fr Joey Fermin, SJ, who had the transplant operation last Monday. Thanks, Bem, for the update.

    TumugonBurahin
  6. we'll always be here to support aj.
    pagaling ka!

    TumugonBurahin
  7. We're here to support you AJ. Our prayers for you are now being heard above, let alone overseas. :)

    TumugonBurahin
  8. Nakaaawa ang kalagayan ni A.J. 'Di ko inaakala...
    Asahan mong kasama ka sa mga panalangin ng buong M2009. Magpakatatag ka lang. Aalagan ka Niya.

    TumugonBurahin